Kung anong itinanim, siyang aanihin

Isinulat: Tag-init sa Minnesota, 2012

Tag-ulan na naman sa Pinas. Kabi-kabila na naman ang mga balita ng pagbaha at landslide na kung saan may mga kababayan tayong namamatay o nasasaktan. Kasama rin syempre ang pagkasira ng mga ari-arian. Tuwing may nangyayaring ganito, lagi na lang nating sinisisi ang sarili natin. Kesyo tayo rin ang may kasalanan dahil sa patuloy nating pagsira sa kalikasan. Hindi tayo natututo di ba? Tigas talaga ng ulo natin.

Nakaisip ako kamakailan lamang ng isang ideya. Sana gumawa ang ating lehislatura ng isang batas ng kung saan bago magpatayo ng gusali, kailangang magtanim (ang may-ari o representante ng may-ari ng gusali) ng mga puno sa pampublikong lupa. Sila rin ang bahalang mag-alaga sa tanim nila at sisiguraduhin nilang lalaki at yayabong ang mga ito. Bilang kapalit, magkakaroon sila ng diskuwento sa kanilang amilyar (real property tax) taun taon. Mas madaming puno, mas malaki ang diskuwento.

Eto ang ilan sa mga naisip kong alituntunin:

  • Ang pamahalaan sa pamamagitan ng DENR o ng mga municipal nurseries ang siyang magbibigay ng libreng tanim. Dapat nilang isaalang-alang ang lokal na puno sa lugar na pagtataniman. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang pagtanim ng mga “invasive’ na halaman na puwedeng makasira sa natural na balanse ng lokal na kalikasan.
  • Ang DENR din ang siyang gagawa ng inspection upang matiyak na napapangalagaan ang mga punong itinanim. Sila ang gagawa ng taunang report na siyang ibibigay sa kawanihan ng rentas internas (BIR). Ang report ay dapat na maibigay sa BIR bago ang kuwentahan ng amilyar.
  • Depende sa laki ng itatayong gusali ang bilang ng mga punong itatanim. Halimbawa, limang puno sa isang ordinaryong bahay. Dalawampu sa isang mansiyon. Halimbawa lang iyan. Bahala ang lehislatura sa mga numero.
  • Responsibilidad ng nagtanim na pangalagaan ang kanyang mga puno. Nakaakibat sa estado ng kanyang mga puno ang halagang mababawas sa amilyar ng kanyang bahay o lupa. Kapag napabayaan o may namatay sa mga puno, liliit ang diskuwento niya at lalaki ang kanyang amilyar. Kung gugustuhin niya ay pwede siyang magtanim uli para mapalitan ang mga namatay na tanim.
  • Ang diskuwento sa amilyar ay limitado. Hindi ito pwedeng lumagpas sa 30 porsyento upang hindi mawala ang pangunahing layunin ng amilyar na makakalap ng salapi para sa pamahalaan. (Halimbawa lang ang 30%. Inuulit ko, ang lehislatura ang magtatakda ng mga numero.) Ganunpaman, walang magbabawal sa mga tao na magtanim ng mas madami sa itinalagang bilang ngunit asahang hindi na lalagpas sa pinakamalaking limit ang kanyang diskuwento.
  • Lahat ng mga benepisyong makukuha mula sa mga itinanim na puno ay paghahatian (50%-50%) ng nagtanim at ng gobyerno. Sa ganitong paraan, maeengganyo ang mga tao na mas lalo nilang pangalagaan ang kanilang mga tanim. Halimbawang namunga ang prutas. Kalahati ay mapupunta sa nagtanim at ang kalahati ay mapupunta sa pamahalaaang lokal sa pangangasiwa ng Dept of Social Welfare and Development (DSWD). Maari itong ipamigay sa mga mahihirap at nagugutom nating kababayan. Maari din itong pagkakitaan upang makatulong sa problemang pinansiyal ng lokal na pamahalaan.
  • Kapag may pagkakataong namatay o nasira ang puno dahil sa kalamidad, ang kahoy ay paghahatian ng nagtanim at ng gobyerno. Sa panahon ng kalamidad, may kapangyarihan ang lokal na pamahalaan na gamitin ang mga kahoy upang gawing mga kabaong, bangka, pantayo ng bahay, paaralan, o anupamang bagay na makakatulong sa komunidad. Kapag walang kalamidad, ang kahoy ay ipapamigay sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) upang magamit sa paggawa ng mga silya, pisara at mga silid-aralan. BAWAL maglagay ng pangalan ng mga politiko sa mga bagay na produkto ng mga kahoy. May pananagutang administratibo ang sinumang lalabag dito. Kung matigas talaga ang ulo ng mga pulitiko, sa mga kabaong lang puwedeng ilagay ang kanilang mga pangalan.
  • Ang mga punong itinanim ay buong buong pagmamay-ari ng pamahalaan. Caretaker lang ang nagtanim. Hindi nila ito puwedeng gamitin sa pansariling layunin. Ang sinumang lumabag nito ay hindi mabibigyan ng diskuwento sa kaniyang amilyar. Bukod pa dito ang rebokasyon ng programang ito para sa kanila. Dito papasok ang mabusisi at matapat na pagbabantay ng ating DENR.

Iba ang magiging alituntunin kapag grupo o korporasyon ang papasok sa ganitong programa. Dahil ang mga korporasyon ay may layuning kumita ng pera, hindi naman masamang mas mataas ang quota sa kanila. Ilan sa mga pagbabago ay ang mga sumusunod:

  • Mas madaming puno ang dapat nilang itanim. Mas magandang basehan ang taunang kita ng kompanya sa bilang ng mga puno. Ang san Miguel o PLDT halimbawa ay dapat na magtanim ng isa hanggang limang milyong puno sa pampublikong lupa o sa isang nature reserve. Maari silang mamili kung saan sila magtatanim ng puno. Isang halimbawa nito ang ginagawa ng ABS-CBN na kung saan, sila ang nagtataguyod at namamahala ng La Mesa Watershed. Kaya nilang magtalaga ng mga manggagawa na ang tanging trabaho ay magtanim at mag-alaga ng mga puno nila. Ang sahod ay buong pananagutan ng kumpanya.
  • Bagamat nasa kanilang pamamahala ang mga lupaing ito, nasa pamahalaan pa rin ang pagmamay-ari. Dapat dumaan sa buwanang inspection ng DENR ang mga ganitong lupain. Ang anumang plano o pagbabagong kanilang gagawin ay dapat dumaan at mabigyan ng karampatang pag-aproba ng DENR.
  • Ang nasyonal na pamahalaan sa pamamagitan ng DENR ang siyang mangangasiwa sa mga malalaking taniman sa kadahilanang lagpas ito sa sakop ng lokal na pamahalaan.
  • Walang benepisyong makukuha ang mga kompanya sa kanilang mga itinanim maliban sa diskuwento sa amilyar at “bragging rights”. Ang benepisyong dapat sana ay kanila (prutas, kahoy, o perang galing sa mga puno) ay ipapamahagi sa charity group na kanilang pipiliin bilang bahagi ng kanilang “corporate social responsibility”.
  • Hindi ipagbabawal ng pamahalaan na ipamalita o ipagyabang ng mga kumpanya o korporasyon ang mga magagandang nagawa nila sa kanilang mga programa (ng pagtatanim). Mas makakapaghikayat ito ng kompetisyon mula sa ibang mga korporasyon. Sumatutal, lahat ay panalo.
  • Ang programang ito ay pangungunahan ng DENR at BIR. Ganunpaman, ang grupo o ahensiyang magpapatupad nito ay magkakaroon ng sapat na representante mula sa simbahan (kristiyano at muslim), media, non-government groups (NGOs), sibilyan, at maging ng mga makakaliwang mga grupo. Sa ganitong paraan, malilimitihan  (kung hindi man mawawala) ang katiwalian at mapapanatili ang tunay nitong layuning makatulong sa lahat.

Isa lamang ito sa mga “lightbulb” moments ko. Kung minsan, nakakatakot lalo na kung kasalbahean ang naiisip kong mga plano. Sana tamarin akong gawan ng blogpost ang mga yun. Sana…

Amen.

…pahabol na pagbati: maligayang kaarawan pareng pepe.

Advertisements

Posted on June 19, 2012, in corruption 101, current events, fyi, good news, i'm green-minded, kalokohan, politics, thoughts to ponder. Bookmark the permalink. 31 Comments.

  1. Grabe ang seryoso nito…. natuwa ako…kung tatakbo ka sa halalan, pakisabihan ako…iboboto kita ^_^

  2. mabuhay ka! magandang idea!

  3. kelan ka ba tatakbong kinatawan ng mababang kapulungan, pre? kahit sa mataas na kapulungan pa ‘yan, ikakampanya kita nang libre. o pwede rin sigurong palitan mo na lang ‘yung mga tong-gresistang walang ginawa kundi umabsent sa mga session at manood nang live sa laban ni pacquiao gamit ang kaban ng bayan.

  4. genius! 🙂

    apollo for president! hahaha

  5. Sharing on Facebook!

  6. theworshipwarriorbride

    Ikaw na’ng henyo Apollo!!! (maka-rhyme lang hehehe)

    pero astig…welcome sa eleksyon 2013! 😉

  7. mabuhay sa iyo ka Apollo!

    kung mayroon ka treeplanting program, abisuhan ko. ipapadala ko ang aking bataan.

    Basta para sa kalikasan, go!

  8. theignoredgenius

    ayos to pre. maganda kung maitutulak sa mga kumpanya. sigurado lang na magrereklamo agad ang ilan sa kanila. puedeng ang mangyari, idadahilan na nila yung mga existing na CSR activities nila. o kaya naman, may ilang companies na ang policy nila ay hindi ipagsabi sa iba yung mga ganitong ginagawa nila (na mas ok sana).

    Pero kung malaking kabawasan naman sa tax ang mangyayari, e malaking bagay rin yun at siguradong maraming kakagat sa kanila. may nabasa nga ko dati regarding tax amnesty and kung bakit mas dapat mababa ang tax ng business owners at ng mas malalaki ang kita kesa sa middle class at working class. Mas magagamit daw kasi sa pagpapaikot ata ng negosyo, mas maraming trabaho at mas mapapataas ang sueldo ng mga tauhan. Kapalit naman nito ay magiging aktibo ang merkado dahil mataas ang buying power so pataas din ang estado ng ekonomiya. Ideally speaking lang syempre. hehehe,

    Si Warren Buffett lang ata ang kilala kong sobrang yaman na nagsasabi na taasan lalo ang tax ng mayaman (hirap ata siyang ubusin pera niya, hehehe).

    • wala naman silang magagawa kung naging batas na to. no exceptions. kailangan nilang sumunod sa ayaw nila at sa gusto. pero tingin ko, halos lahat papayag dahil sa tax incentives.

      ang bottomline lang naman ni lolo warren at equality at fairness. hindi naman niya kailangang ubusin ang pera niya dahil naka-allot na siya sa charity ng bill at melinda gates foundation.

  9. alam mo isa ito sa mga pinangarap kong proyekto, naiisip ko na naman ang mga kapwa ko manggugubat sigoro kung ganito magpahalaga ang gobyerno tungkol sa kalikasan mas marami ang ma-eengganyong kumuha ng kursong pangkapaligiran.

    ang ganda sana ng ideya mo kung may pangil nga lang ang liderato ng gobyerno malamang pwede to.

    Ang totoo, may mga refo projects naman talaga ang gobyerno yon nga lang hindi alam ng karamihan, ilang milyon ang nasa budjet para makuha ang dapat na target per year pero dahil nga kulang parin sa disiplina ang karamihan satin yong ibang projects hindi successful mas nauuna kase ang kalam ng sikmura kesa unahin ang proyektong pang matagalan. haays! how i wish kaya kong sabihin lahat.

    🙂

    • huhulaan ko ang work mo. forester ka? noong bata kasi ako, yun ang pangarap ko. idolo ko kasi ang uncle kong graduate ng ganung course sa UPLB. Pero siya rin mismo ang nagsabi na walang pera sa ganung trabaho. Nasa DENR na rin siya kasi noon. Ayun, midwifery, este engineering na lang ang kinuha ko sa Cardinal Institute. 😀

      nabasa ko nga sa balita na pinakamalaking reforestation in recent history ang ginawa ni PNoy mula nung naging pangulo siya. Totoo ba yun? kung totoo, good job!

  10. totoo, 1 Billion trees in 6 years. Yan ang Target ng National Greening Program sa DENR.

    At tama ka ulit Forester ako, yon nga lang nasa pribadong sektor na. Tama nman kase uncle mo, walang pera sa pagiging manggugubat pero may chance namang makisabay sa ibang propesyon basta nasa pribado nga lang.

    Pero pangarap ko parin na i-practice ang profession ko sa field sana ng research. Sigoro pagdating ng tamang panahon.

    🙂

  11. Me too, may mga pangarap din akong gawin, kung sakaling maging presidente ako ng Pilipinas. Isa na dyan ay kapag bumili ka ng sasakyan, kailangang magtanim ng dalawang puno.

    Though we have different schemes when it comes to making the world green, we still have the same goals.

    Kung kailangan mo ng vice, andito ako. haha

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: